Ang mga pananaw ni Jean Baudrillard: Mula sa Tagagawa patungo sa Mamimiling Lipunan ; Pagkawala ng Symbolic Exhanges at Pagkadami ng Simulations


Si Jean Baudrillard ay isang sosyolohikong Pranses, pilosopo, kultural na teoristiko, komendador sa politika at isang litratista. Nabuhay siya noong ika-27 ng Hulyo at namatay noong ika anim ng Marso noong taong 2007. Siya ay pinaka nakilala dahi sa kanyang pagsusuri sa medya, kontemporaryong kultura at komunikasyong teknolohikal pati na rin ang mga konsepto niya na tulad ng mga simulation at hyperreality. Nagsulat siya ukol iba’t ibang paksa, kasama na rito ang consumerism, gender relations, economics, social history, art, western foreign policy at kulturang popular. Sa lahat ng kanyang mga nilikha, ang pinaka kilala ay ang Simulacra and Simulation (1981), America (1986), at The Gulf War Did Not Take Place (1991). Ang kanyang mga likha ay maiuugnat sa postmodernism at lalo na sa post-structuralism.

 Mula sa Tagagawa patungo sa Mamimiling Lipunan

Noong unang mga nilikha ni Baudrillard ay naimpluwensyahan siya sa mga gawa ni Marx  at ibang mga sangay ng Neo-Marxian Theories, pero ang naging pokus nila Marx at ng mga neo-marxian theory na ito ay ang producer society o ang mga tao ay abala sa paggawa ng mga produkto ngunit si Baudrillard ay nagpokus sa consumer society. Nang dahil dito, nakita ng mga tao na ang gawa ni Baudrillard ay nauna pa sa kung ano ang sitwasyon sa panahon nito dahil noong panahon na isinulat niya ito ay nasa maagang yugto pa lamang ang mamimiling lipunan na ito. Nakita ni Baudrillard na ang pagkonsumo, imbis na paggawa ang pinaka mekanismo na nagpapatuloy na manaig ang kapitalistang lipunan.

Si Baudrillard ay nakarating sa ganitong konklusyon dahil kanyang pinuna ang konsepto ni Marx na “use-value”. Naisip ni Baudrillard na ang ideyolohiya Marx at ni Adam Smith ukol sa ekonomiya na kaya binibili ng mga tao ang mga bagay nang dahil sa kailangan nila ito, masyado daw itong madali at masyadong simple. Ang ideyolohiya ni Baudrillard ukol dito ay nanggaling kay Georges Bataille, na ang mga pangangailangan raw ng mga tao ay ginagawa lang din ng tao imbis na nasa loob talaga nila ito. Kanyang idiniin na lahat ng mga binibili ng mga tao ay mayroong ibig sabihin lalo na sa kung ano ang magiging posisyon ng isang tao sa ekonomiya kung saan niya ito binili. Ang mga bagay raw, ayon kay Roland Barthes, ay parating may sinasabi sa kung sino ang bumili nito. Nang dahil dito, ito raw ang dahilan kung bakit ang pagkokonsumo ang dati at mapa sa hanggang ngayon ay naging mas importante kaysa sa produksyon dahil ang ”ideological genesis of needs” ay mas nakakaangat sa mga produksyon ng mga gamit na ang sadyang layunin lamang ay mapunan nito kung ano ang pangangailangan lamang ng tao (basic needs). Ayon kay Baudrillard, difference na ang kumukontrol sa tao kung bakit ito bumibili at hindi na dahil sa teorya ng pangangailangan ng tao; bumibili na ang tao dahil gusto nitong maiba sa ibang tao at makaangat sa sistema ng lipunan.

Isinulat ni Baudrillard na mayroong apat na paraan kung paano mabibigyang halaga ang isa bagay. Ang apat na prosesong nakakapag pahalaga sa mga bagay ay:

1.      Ang una ay ang functional value ng isang bagay, ito ang kanyang talagang gamit (use value)  

Halimbawa: ang isang ballpen ay dapat na nakakapagsulat; ang refrigerator ay upang makapagpalamig nga mga bagay.

2.      Ang pangalawa naman ay ang exchange value ng isang bagay; ito ang ekonomikong halaga ng isang bagay.

Halimbawa: Ang isang ballpen ay maaaring mayroong halaga ng tatlong lapis ; ang isang refrigerator ay mayroong katumbas na 3 buwang sweldo.

3.      Ang pangatlo naman ay ang symbolic value ng isang bagay. Ito ang halaga ng isang bagay na itinatakda ng isang tao base sa kung ano ang relasyon nito sa ibang tao.

Halimbawa: Ang isang ballpen ay maaaring maging isang simbolismo ng isang regalo noong grumaduate ang isang bata; o ang diamond na singsing ay nagsisimbolo na ikaw ay kasal na.
4.      Ang huli ay ang sign value ng isang bagay; ito raw ang halaga ng isang bagay depende sa kung ano ang ibig sabihin nito sa ibang tao sa isang lipunan.

Halimbawa:  Ang pagkakaroon ng G-Tech na ballpen ay nagbibigay ng impresyon na yayamanin ang may ari nito, samantalang kung ang ballpen mo ay HBW ay isa ka lamang mahirap sa lipunan.

Ang mga unang ginawang libro ni Baudrillard ay kanyang idinidiin na ang dalawang naunang proseso ay hindi magkaugnay ngunit nagugulo nang dahil sa pangatlo at lalo na ang pangatlong proseso. Kinalaunan, hindi na tinatanggap ni Baudrillard ang Marxism (sa libro niyang The Mirror of Production at Symbolic Exchange and Death). Ngunit ang naging pokus ng kanyang mga gawa hanggang sa siya ay namatay ay ang pagkakaiba ng sign value at ang symbolic value ng mga bagay bagay.

Pagkokonsumo bilang Paraan ng Pakikipagusap

Nang dahil sa pagkakaroon ng iba’t ibang halaga ang mga bagay, nagkaroon ng paraan upang makipagusap ang isang tao base sa kung paano ito kumunsumo sa lipunang kanyang ginagalawan. Katulad ng sinabi ni Baudrillard, lahat ng bagay sa ating mundo ay mayroong mga nirereresentang mga ‘signs’ na siyang binibili ng mga tao upang ang mga bagay na ito ay mayroong sabihin tungkol sa kung sino ang bumibili nito. Para kay Baudrillard, ang pagkonsumo o ang pagbili sa mga bagay bagay ay hindi dahil sa kung ano yung bagay na iyong binibili ngunit sa nirerepresenta nitong mensahe sa lipunan.

Ngunit, paano nga ba natin nalalaman sa kung ano ang ibig sabihin ng mga “signs” na ito? Isinaad ni Baudrillard na alam raw natin kung paano madedecode ang mga signs na ito dahil alam natin at naiintindihan natin ang lahat ng code at kinokontrol rin tayo nito. Ang code ay ang mga sistema ng mga patakaran na hinahayaan tayong maintindihan ang mga signs na ito, at ang mga mahalaga ay sa kung paano paraan konektado ito sa isa’t isa.  

Ang pagkonsumo raw ay ibinabase natin sa kung paano maiintindihan ng ibang tao ang ibig sabihin ng ating mga binili. Dahil rito ay ang puno’t dulo ng pagkonsumo ay dahil sa prosesong ito, hinuhulma at binibigyang halaga na rin natin ang ating mga sarili katumbas sa mga bagay na ito, Ang mga kategorya ng mga bagay ay nagiging kaparehas na sa kung ano ang kategorya ng tao sa isang lipunan. Nang dahil dito ay naiisip ng tao na kaya nitong baguhin ang kanyang kategorya sa kanyang buhay base sa kung ano ang mga kanyang bibilhin na naiiba sa kung ano ang binibili nito noon upang umangat ito sa “social class” ng kanyang lipunan. Sa ganitong sistema ay umuusbong at naglilinang ang stratipikasyon na naghihiwalay sa mga tao at nagpapanatili sa kung nasaan sila sa sistema. Sa kabuuan, ang esensa nito ay: ang mga tao ay sila base sa kung ano ang binibili nito; kanilang binibigyang halaga ang kanilang mga sarili at nabibigyan ng halaga o presyo ng ibang tao.Gusto ng tao na makibagay sa lipunan nito at gusto rin nitong mapigilan ang mga ‘inequalities’ na nararanasan nito kapag siya ay naiiba sa lipunan.

Nang dahil sa ganitong mekanismong nagkokontrol sa mga pagiisip ng mga tao, hindi na nagkakaroon ng hustisya ang mga binibili ng mga tao. Hindi na bumibili ang mga tao base sa kung ano ang kanilang mga pangangailangan kundi base sa kung ano na ang mga sign value ng mga bagay bagay. Dito na papasok ang terminong tinawag ni Baudrillard na hyperconsumption, kung saan ekstraordinaryong lebel na ng pagkonsumo ang ginagawa ng isang tao dahil imbes na binibili lamang ng tao ang dapat na makakapag sustento ng kanyang pangangailan, binibili nito ang lagpas lagpas pa sa kung ano lamang dapat ang kailangan nito.

Bumibili na nga ang tao dahil sa difference at hindi para sa pangangailangan nito, dahil dito ay hindi na matatapos ang pagbili ng isang tao dahil may mga bagong produkto na namang lalabas at bibigyang kahulugan ng mga tao sa isang lipunan at dahil dito ay gugustuhin na naman ng tao na bilhin ito dahil ito ay nagsisimbolo na may kaya ito sa buhay at siya ay dapat na tingalain (hal. Pagbili ng Iphone taon-taon).

Sa lahat ng mga ipinahayag ni Baudrillard, talaga ngang naging porma ng pakikipagusap sa iba ang pagkonsumo natin sa mga produkto. Sa ating mga binibili ay sinasabi na natin kung saang lebel ng lipunan tayo nabibilang at kung ano ano pang ibang bagay na binibigyang eksplenasyon ng mga bagay. Naiintindihan ng mga taong ito ang ating mga ‘sinasabi’ dahil sila rin ay alam ang code at naiintindihan kung ano ang mga kahulugan ng mga signs na ito sa ating mga pagbili. Nang dahil dito, hindi lang sinasabi ng code kung ano ang ating mga pinipili, ito na ang kumokontrol sa kung ano ang mga dapat nating piliin. Hindi natin namamalayan na ang mga codes na ito ang nagpapatakbo sa atin sa pang araw-araw nating pamumuhay. Sa huli ay kinakailangan natin kung ano ang sinasabi ng mga codes na ito. Mula sa labas ay paloob na ang pagikot ng sistemang ito. Ang isang tao ay nanatili dahil kinakailangan ng mga codes na manatali ito upang ito rin ang manatili.

Sa sistemang ganito, nakita ni Baudrillard na ang nasa likod pa rin nito ay ang kapitalistang sistema, kung dati ay mga manggagawa lamang ang kinokontrol ng mga ito, ngayon ay ang nasa konsumer na ang atensyon. Kung dati ay walang pakielam ang mga kapitalista kung paano gagamitin ng konsumer ang bagay na kanilang ibinebenta, ngayon naman ay hindi na hinahayaan ng mga kapitalista ang mga konsumer na magdesisyon sa kanilang mga sarili kung ano ang bibihin at kung ilan nito ang bibilhin kung kaya’t gumagamit sila ng mga mekanismo tulad na lamang ng mga komersyal. Ang naging resulta nito ay dahil nga hindi na natatapos ang mga ‘pangangailangan’ ng mga tao ay gugustuhin lamang nito na bumili ng bumili at dahil dito ay magtatrabaho ito ng magtatrabaho upang makabili ng mga bagay na gusto nitong mapasakanya nang dahil sa sinasabi ng lipunan tungkol sa bagay na iyon. Dahil nagtatrabaho ng nagtatrabaho ang taong ito upang makakita ng pera ay mawawalan na ito ng panahon upang makapagisip ng kritikal ukol sa kanyang kalagayan at kalagayan ng lipunang ginalawan nito. Mawawalan na ng kamalayan ang tao sa kung nasaan siya sa lipunan at ano ba ang silbi nito dito, sa pagkonsumo ay makukulong ito sa Iron Cage na isiniwalat ni Weber.

Ang Pagkawala ng Symbolic Exchange at Paglaki ng Simulations

Ang isa pang teoryang ginawa ni Baudrillard ay ukol sa pinagkaiba ng primitibong lipunan sa kontemporyong lipunan. Ayon kay Baudrillard ay ang primitibong lipunan ay mayroon pang mga symbolic exchange ngunit noong nagbago na ang panahon at napunta na tayo sa kontemporaryong panahon ay nawala na ito at umusbong naman ang mga simulations.

Sabi ni Baudrillard ay ang makalumang lipunan raw ay mayroong tinataglay na katangiang tinatawag na Symbolic Exchange. Ito raw ang kabilaang proseso ng pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo na tinataglay lamang ng mga makalumang lipunan. Ngunit habang lumilipas ang panahon, napalitan na ang mga symbolic exchange na ito nang dahil sa kapitalismo at pagkonsumo ng mga tao. Imbes na symbolic exchange ang manatili sa lipunan ay napalitan na ito ng Economic Exchange. Kung dati ay nagkakaroon ng pagtanggap at pagbibigay pabalik ng mga bagay na natatanggap sa ibang tao ay unti unti na itong natapos; napalitan na ito ng economic exchange kung saan wala nang katapusan ang palitan ng mga produkto. Hindi na natatapos ang pagbili ng mga tao para sa kanyang sarili at para sa iba. Ang ideyolohiya sa likod nito ay upang mapanatili ang proseso ng economix exchange sa paraan ng pagkonsumo sa mahabang panahon nang hindi natatapos. Ang kalalabasan nito ay ang pagdami ng produksyon at pagdami rin ng yaman ng kung sino ang nagkokontrol sa produksyon (mga kapitalista).

Ayon kay Baudrillard, sa mga primitibong lipunan, mayroon pang mga symbolic exchange kung saan ito ang mga tradisyon na makatotohanan hindi raw katulad ng mayroon sa makabagong kontemporaryong mundo na puro peke na ang mga nakapaligid sa mga tao at hindi nakakagulat na ito na ang mga nagkokontrol sa mga gusto at pananaw ng mga tao. Itinatawag itong simulations ni Baudrillard. Ang mga Simulations ay ang mga peke sa lipunan, mga mekanismo o mga teknolohiyang ipinapalit o iginagaya sa mga totoong bagay na mayroong sa mundo. Nakita ni Baudrillard na noong araw ay ang mundo ay marahuyo at mahikal, hindi tulad ngayon na nawala na ang pagkakaroong ng mahika at pagkamarahuyo ng mundong ating ginagalawan, puro peke na ang mga nasa mundo kung kaya’t hinding hindi ito maikukumpara sa kung ano yung totoo na porma nung mga bagay na ginagaya ng mga simulations na ito.

Kumbaga ay para bang mas gusto mo nang kaharap ang iyong cellphone, scroll down ng scroll down sa mga stories sa Facebook, mas gusto mong doon na lang makipaginteract sa mga tao dahil ito ay “social” media. Pero sa totoong buhay, magisa ka lang naman, malungkot, dahil wala kang kausap na tao talaga. Katabi mo na ang isang tao, imemessage mo pa rin ito imbes na makipagusap harap-harapan. Pinapatay nito ang pagkakaroon ng relasyon ng mga tao sa isa’t isa.

Ang mga bagay na ito ay mas maganda sa totoong anyo nito, mas mukhang totoo kaysa sa katotohang porma nito at mas mukhang makatotoohanan, ito ay tinatawag ni Boudrillard bilang hyperreal. Ang mga bagay o mga karanasan na mas maganda kung iyong totoo ang mga pupuntahan natin ay napapalitan na lamang ng mga VR experiences na “mas maganda” “mas matipid” at kung ano ano pang mga rasyonal an paniniwala na akala mong iyon ay mas efficient dahil “same experiences, for a low price”. Sa sobrang ganda nitong mga Simulations na ito ay ayaw na ng tao na maranasan ang totoong bagay na pinaggayahan lamang nitong simulation na ito dahil masyado nang pinaganda ang mga simulations para sa mga tao. Ito ay produkto ng kapitalista upang magkaroon ng pagbabago sa pagbibigay ng kahulugan sa realidad ng mga tao, upang magbago ang mga rasyonal sa pananaw ng mga tao. Ang nagiging kapalit nito ay gumagawa ito ng isang mundong nasa tropikal na paraiso ang mga tao kung saan mas mukha pa itong totoo kaysa sa totoong anyo at itsura ng mga tropikal na destinasyon.

Ang mundo ay gumagawa ng napaka raming simulations, kung kaya’t nagiging simulated na ito at dahil dito ay nagiging hyperrealistic na ang mundo.

Nagkakaroon na ng malawakang pagiral ng mga simulations sa buong mundo, nang dahil rito ay nagkakaroon na ng kahirapan sa pagtingin at pagkukumpara kung ano na ang totoo at kung ano na ang peke sa mundo, dahil lahat na ng bagay at aspeto sa mundo ay mayroong pinaghalo na totoo at peke. Nang dahil sa mga simulations, ang mga tunay ay nawawalan na ng halaga dahil mas lalo nang hinahangaan at tinatangkilik ng mga tao ang mga simulations kesa sa totoong pinaggayahan lamang ng mga simulations na ito. Ang simulations ay ginagawa nang mas maganda kaysa doon sa mga totoong bagay na pinanggayahan lamang nito. Nang dahil rito, kakakopya ng kopya sa iba, at dahil puro kopya na lamang ang nananaig sa mundo, wala nang tunay, wala nang orihinal na umiiral sa mundo. Dahil rito, sa kontemporaryong mundo, wala nang totoo, wala na iyong realidad sa mga tao; kung wala na ang totoo at wala sa realidad ang mga tao ay namumuhay na lamang tayo bilang isang simulation.


Comments

Popular posts from this blog

Teorya ng Produksyon at ang Teorya ng Pagkonsumo ayon kay Thorstein Veblen

Mga Kontemporaryong Peministang Teorya

George Ritzer: Mula sa Luma patungo sa Makabagong Paraan ng Pagkonsumo