George Ritzer's Mcdonalization


Si George Ritzer ay ipinanganak noon ika-14 ng Oktubre noong 1940 sa Manhattan, New York City. Siya ay nagtapos sa kursong BA Psychology noong 1958 sa City College of New York. Natapos naman niya ang kanyang Masteral noong 1962 sa University of Michigan at ang kanyang PHD naman at sa Cornell University noong 1965.

Nakilala si Ritzer dahil sa iba’t ibang teoryang kanyang nagawa sa tanan ng kanyang buhay. Isa sa mga ito ay ang pinaka kilala nitong ginawa na tinatawag niyang “Mcdonalization”. Ang Mcdonaldization ay ang iba’t ibang gawain at mekanismo na ginawa ng mga kapitalista na kumakalat sa buong mundo na nakakaapekto sa lahat ng taong nakakaranas nito.

Isinulat ni Ritzer ang librong niyang ‘The Mcdonalization of Society” noong 1993 at nananatili itong isa sa mga bestseller na libro ng sosyolohiya. Lumaki noon si Ritzer na pausbong at biglaang lumaki ang kaininang Mcdonalds, nang dahil rito ay marami siyang mga naobserbahang mga mekanismong at mga prinsipyo sa kung paano ito gumagalaw at kung paanong ang sistemang ito ng mcdonalds ay kumalat na sa buong lipunan.

Sa ating modernong lipunan, ang mga teknolohiya at ang mga trends ay mayroong malaking ganap sa ating pang araw araw na buhay na ginagamit na ang mga ito bilang pang-uri. Halimbawa na lang ay ang “ginoogle” mo na ba ang ating assignments? Hindi ba? Nagiging parte na siya ng ating kultura, ang mga trends at mga makabagong teknolohiyang ito na ang nagiging batayan natin sa pang araw araw na pamumuhay. Dito na ito magiging isang problematikong isyu para sa ating lipunan. Katulad nito ay ganito rin ang ginawa ni George Ritzer upang magawa ang salitang Mcdonalization na binigbigyang kahulugan bilang ito ang proseso kung saan ang mga prinsipyo at ang mga mekanismo na mayroon ang mga fast food restaurants tulad na lamang ng Mcdonalds ay nasakop o nangibabaw na ito sa bawat aspeto ng lipunan.

Naging sikat ang Mcdonalds nang dahil nagaalok ito ng pagkain nang mabilisan at masarap ito kaysa sa mga lutong bahay at sa mga drive-ins na nauso noong 1950s na napaka bagal ng pagbigay nila ng pagkain. Isa pang dahilan kung bakit ito tinangkilik ng napaka rami dahil pwedeng kumain rito ang buong pamilya lalo na kung walang kakayahan ang mga magulang na magluto para sa kanilang mga anak. Naging isa itong alternatibo sa matrabaho at nakakapagod na pagluluto ng isang ina sa hapag kainan pagsapit ng dilim. Dalawa sa nakakatawag ng pansin na kanilang tinataglay ay ang convenience at ang affordability. Ang dalawang ito at ibang mga prinsipyo na magkatulad rito ay naging isa sa mga pinaka importanteng aspeto ng ating mabilis na umuusad na modernong lipunan.

Rasyonalisasyon ng Lipunan

Ang naging tungtungan upang mabuo ni Ritzer ang kanyang teorya ay ang konsepto ni Max Weber ng rationalisasyon, ito ang proseso kung saan napapalitan na ng rason at bisa sa paggawa ang mga tradisyonal at emosyal na pagiisip na ating kinalakihan noon. Naniniwala si Weber na halos lahat ng mga lipunan noon ay pinagmamayharian ng mga tradisyon at ang pinaka importanteng trend sa modernong lipunan at ang pagtaas ng rasyonalisasyon sa lahat ng parte ng ating mga buhay. Naniniwala rin siya na kung magpapatuloy ang  ganitong pagiisip o rasyonalisasyon sa bawat isa ay makukulong na tayo sa isang Iron Cage kung saan namumuhay na lang ang lahat na ayaw na nila na tao ang kanilang kaharap, mas gusto na nila na mga mekanismo at teknolohiya na lamang ang kanilang mga kaharap kung kaya’t dehumanizing ang kulungang ito at talagang magiging iisa na lamang ang lahat, wala nang pagkakaiba iba ang bawat tao dahil sa iisa na lamang ang kanilang mga pagiisip. Pinapatay rin nito ang pagiging malikhain ng isang tao kung kaya’t mawawalan na ito ng sense of human o pagpapakatao para sa kapwa tao.

Katulad ni Weber, ginamit ni Ritzer ang Mcdonald’s upang maging isang pagwawangis sa sobra sobrang rasyonalisasyon ng lipunan. Dahil tulad ng sikat na fastfood restaurant na ito dahil napapalitan na nito ang tradisyonal na lutong-bahay ng mga nanay sa mga pagkain na praktikal at kaginhawaan. Ang pagtuloy ng ganitong rasyonalisasyon ay nagkokntrol sa mga sektors na bukod pa sa fast food industry ay nagiging magkakaparehas na at automated.

Ang mga Dimensyon ng Mcdonalization

Bakit nga ba pumatok ng sobra sobra ang mekanismo ng Mcdonald’s? Mayroong itong apat na dimension bilang puno’t dulo ng tagumpay nito. Ang Mcdonald’s ay nagtagumpay dahil nagalok ito sa mga konsumer, manggagawa at mga tagapangasiwa ng efficiency, calculability, predictability at control.
Una, ang Mcdonald’s ay nagbibigay efficiency o ang pinapaka mabilis at pinaka epektibong paraan upang magawa ang isang bagay. Sa mga konsumer, nakikita nila ito bilang isang magandang bagay dahil mabilis na nilang makukuha ang kanilang mga kagustuhan. Pati ang mga manggagawa na nasa ilalim ng sistemang Mcdonalized ay ineensayo upang mabilis sila kumilos upang makagawa ng mga dapat na gawin. Mayroon ring mga batas at regulasyong organisasyonal upang makasiguro silang ‘highly efficient’ ang kanilang mga manggagawa.

Pangalawa naman ay ang calculability, ito ay ang pagkakaroon ng pagtingin o paghuhumula sa kung gaano karami lamang ang mabibili ng mga tao at kung gaano karami ang kailangan upang makagawa ng sapat na produkto na kayang bilhin ng mga tao sa isang araw. Ngunit sa modernong mundo, mas maganda na ang mas madami kaysa sa mas kalidad na gawa. Mas tinitimbang na ng mga konsumer at nahulma na sila na kung mas marami ang kanilang nabibili ay mas maganda ito kahit na hindi masyong maganda ang kalidad nito. Ganun na rin ang naging pagiisip ng mga manggagawa sa sistemang ito, dahil na imbis na pagbutihin nila ang kanilang trabaho upang makagawa ng kalidad na trabaho, sila ay ineensayo upang makagawa ng mas marami sa mas konting oras.

Ang pangatlo namang inaalok ng Mcdonaldized na sistema ay ang predictability. Ito ang katangian kung saan ang mga tao ay ayaw na ng mga makabagong sistema. Mas gusto nila na kung ano lang ang kanilang nakasanayan sa isang bagay,ay iyon na ang magiging sistema sa lahat ng mapuntahan nilang institusyon na parehas ng sa Mcdonalds. Ayaw na nila ng nakakagulat. Nahulma na sa mga konsumer kung ano ang tama o ang rasyonal, kung ano ang dapat nilang gawin at dapat na gawin ng nasa kanilang mga nasa kapaligiran. Ang mga manggagawa rin na kinapapalooban ng ganitong sistema ay ating makikita na mayroon na silang uniformity o iisa na lamang ang kanilang mga galaw at sinasabi. Nawawala na ang ating mga relasyong organikal kung saan nakadepende tayo sa isa’t isa na sinabi rin ni Durkheim. Nagiging para bang robot ang mga tao sa mcdonalized system, nawawala na ang pagiging makatao at pagtrato sa tao bilang tao sa ganitong sistema. Wala na tayong pakielam sa ating kapaligiran at iniisip na lamang natin kung ano ang pansariling layunin o kagustuhan sa buhay.
Pangapat naman ay ang control, nang dahil sa paglinang at bilis ng mga naiimbento ng mga tao sa teknolohiya ay nagkakaroon na ng pagbabanta sa mga tao na mapapalitan na sila ng mga makabagong teknolohiya upang mapalitan sila sa trabaho. Mayroong dalawang klase ng teknolohiya ayon kay Ritzer, isa rito ang human technology, ito ang mga teknolohiya na kinakailangan ng tao upang ito ay maging kapaki-pakinabang tulad na lamang ng screwdriver. Ang pangalawa naman ay ang non-human techonology, ito naman ang mga teknolohiya o mga mekanismo na hindi kinakailangan ng tao na magsasabi o magkokontrol upang ito ay maipagana o maisagawa tulad na lamang ng mga pila (pagiintay na matapos ang nasa harapan mo bago ikaw naman ang mapagsilbihan) , ng mga  menu (nagiging limitado ang mga maaaring piliin ng mga tao), mga upuan na hindi naman kumportable dahil ito’y dinesenyo upang ikaw ay umalis na makatapos mong kumain na hindi raw lalagpas sa bente minutos.

Karagdagan pa sa apat na ito ay mayroon pa siyang idinagdag na panglimang dimensyon sa kanyang libro na “Contemporary Grand Theories” na tinatawag na irrationality of rationality na hindi raw maiiwasan sa sistemang Mcdonalized. Dahil nga sa dami ng mga rasyonal at mga efficient sa sistemang ito ay nagkakaroon na ito ng irasyonal sa kung paano ito umiikot. Nagkakaroon na ng dehumanization ng parehas na konsumer at mga manggagawa. Sa manggagawa, sila ay nauubuso sa paggawa dahil mayroong pagbabanta na sila ay mapalitan ng mga makinarya upang magtrabaho. Ang mga konsumer naman dahil nawawalan na ng pakielam ang mga tao sa isa’t isa, kung ano man ang mangyari sa isang tao sa isang lugar tulad na lamang ng Mcdonald’s, na kung sakaling matapon ang pagkain ng nasa katabi mong lamesa ay hindi mo ito tutulungan kung hindi ay sarili mo lamang ang iisipin mo at mananatili ka sa iyong upuan at mananatiling kumain. Kung kaharap naman natin ang isang cashier ay wala tayong pakielam kung ano ang iniisip ng tao na ito, sapagkat ay iniisip lamang natin kung ano ang gusto nating iorder at kumain pagkatapos. Ganun rin naman ang nasa isip ng taong nasa likod ng kahera, ang iniisip lamang nito ay kung anong oras siya magbebreak at kung anong oras siyang mag-ouout. Nawawala na ang tunay na dapat ginagawa ng mga tao, ang makipag interact sa isa’t isa, ang kilalanin ang isa’t isa ng harapan; wala nang relasyong organikal ang mga tao katulad na lamang ng sinasabi ni Durkheim.

Kung ating sisipatin ay hindi lamang sa fast-food industry nagkakaroon ng ganitong sistema, kung hindi sa lahat na ng institusyong gumagalaw sa lipunan. Kumakalat na rin ito sa buong mundo hindi katulad dati na sa Estados Unidos at mga first-world countries lamang ito nangyayari, kung kaya’t talagang nagiging problematiko ang ating mundong ginagalawan dahil wala na ang dapat na klase ng interaksyon sa bawat isa. Nang dahil sa sistemang ito ay hindi na nagpapakatao ang mga tao para sa kapwa tao.


Comments

Popular posts from this blog

Teorya ng Produksyon at ang Teorya ng Pagkonsumo ayon kay Thorstein Veblen

Mga Kontemporaryong Peministang Teorya

George Ritzer: Mula sa Luma patungo sa Makabagong Paraan ng Pagkonsumo