NEO MARXIAN THEORY: ANG PAGUSBONG NG INDUSTRIYANG KULTURAL


Noong mga panahon na umusbong ang industriyalisasyon, sumikat rin ang mga paniniwala at ang teorya ni Marx na nagsasaad na hindi na makatao ang ginagawa ng mga  kapitalista sa mga manggagawa nito. Ngunit ang Neo Marxian na teorya ay naiiba sa kung ano ang mga isiniwalat ni Marx sa kanyang teorya. Naririto ang dalawa sa mga umusbong na Neo Marxian Theory, ang Critical Theory at ang Emergence of the Culture Industry.
Ang Critical Theory ay isang sosyal na teorya kung saan ang layunin nito ay ang punain at baguhin ang lipunan sa kabuoan hindi katulad ng mga tradisyonal na teorya na ang layunin lamang ay ang maintindihan at maipaliwanag ang mga bagay bagay. Ang mga kritikal na teorya ay nagnanais ng mas malalim na pagintindi sa mga bagay na nakikita  at nasisipat natin sa mababaw na lebel ng ating mga buhay at kung paano tumatakbo ang iba’t ibang mekanismo sa mundo.
Ang Critical theory ay nagmula sa paniniwala ng mga Marxists at ito ay na binuo ng isang grupo ng mga sosyolohista sa Unibersidad ng Frankfurt sa Alemanya na tinatawag rin bilang “The Frankfurt School”
Ang mga sosyolohistang ito ay sinusundan ang mga paniniwala ni Marx na kritiko ng kapitalismo. Ang naging pokus ng teorya ni Marx ay ang pananamantala ng mga kapitalista sa mga manggagawa dahil nabuhay siya sa panahon na umusbong ang industriyalisasyon kung saan ang ekonomiya ay nagkaroon ng malaking halaga sa pagtingin ng mga tao. Ang kinaibahan nito sa Critical Theory ay nagbabase sa ideya na kalahati ng panahon ay nasa industriyalisasyon noong panahon ni Marx at ang kalahati na nagbago na ng tuluyan ang mekanismo ng kapitalismo. Mula sa ekonomiya, natuon ang pansin ng mga ito sa kultura ng mga tao, kung saan mas nakokontrol ng kultura ang mga tao kesa sa  galaw ng ekonomiya.
Mayroong dalawang bumubo sa isang ekonomiya ayon kay Marx at sa mga taga sunod nito, ito ang “superstructure” kung saan nakatayo ito sa “base”.  Ang base ang ekonomiya ng isang bansa kung saan ito ang nagdidikta sa kung ano ang magiging kalagayan ng iba’t ibang elemento sa isang ekonomiya. Ang superstructure naman ang nakapaloob sa base kung saan ito ang estado at ang kultura ng mga tao na nagbibigay buhay o ang siyang nagbibigay ng kahulugan kung ano ang isang ekonomiya. Ang ekonomiya rin ang nagdidikta kung ano ang magiging superstructure nito.
Naging mahalaga ang papel ng kapitalismo sa ekonomiya magmula ng pumutok ang Industriyalisasyon dahil ito ang naging makapangyarihan at ito ang may hawak ng sentrong kapangyarihan sa pagdidikta at pagkokontrol sa kultura at sa estado. Ang estado at ang kultura ang dalawang mekanismong hawak ng mga kapitalista upang makakuha pa sila ng kanilang mga kagustuhan mula sa mga tao. Dahil rito, nakita ng mga sosyolohistang ito na mas mayroon nang kapangyarihan ang siyang may hawak at control sa kultura kaysa sa mga kapitalista noon na mga manggagawa lamang ang kanilang nadidiktahan.
Ito ay tinatawag na Culture Industry, nakita nila na lumalaki ang kapangyarihan nito sa ekonomiya pati na rin sa mga taong nakapaloob rito. Dito na pumapasok ang tinatawag na Mass Culture kung saan ito ang mga ginagawa ng mga maraming tao sa isang lugar o ekonomiya, ito kumbaga ang “standard” sa isang ekonomiya, ito ang “uso”. Sa panahon natin ngayon ay ating mapapansin na ang mga cellphone, mga laptop, mga tablet at kung ano ano pang mga makinarya ang nagiging uso at sinasabi natin isa na sa ating mga pangangailangan. Noong unang panahon naman ay hindi ito ang dahilan, kung kaya’t paano naitanim sa ating isipan na kailangan natin ng bagong model ng Iphone para mapunan natin ang ating pangangailangan na ito? Ito ay dahil sa mga kapitalista na noon ay ang kanilang mga iniisip na kontrolin lamang ay ang mga mangggawa, wala silang pakielam kung ano ang gawin ng mga konsumer sa kanilang mga nabili; ngunit ngayon, ang mga kapitalista na rin ang may hawak sa kultura natin, sila na ang nagdidikta sa kung ano ang dapat nating suotin, gamitin, kainin at kung ano ano pang mga bagay na dapat ay sa pangangailangan lamang natin tayo nagbabase pero dahil sa kanila ay nagkakaroon na ng aksesorya ang mga pangangailangan na ito pero ito ay nakaugat sa Conspicuous Consumption at Iron Cage ni Weber.
Ang kultura ang nagiging puso ng isang ekonomiya. Ito ang nagbibigay kahulugan sa kung ano nga bang klaseng lugar at mga tao ang nasa isang lipunan. Dahil ang mga kapitalista na ang may control sa kung ano ang magiging parte ng kultura ay tayo ay paniwalang-paniwala sa kanila at tayo para bang naadik na sa kung ano ang kanilang mga ginagawa na nakakalimutan na nating mamuhay sa totoong mundo at ang makipag kapwa tao sa ibang tao.
Ang kultura ang siya nang kumukontrol sa mga tao. Ito na ang tinatawag ni Marx noon na opyo ng mga nakakarami. Napapaikot na ng industriya ng kultura ang mga tao. Kung noon ay nakokontrol lamang ang tao dahil sa takot na matutukan ng baril o di kaya’y matanggal ang kanilang mga trabaho, ngayon ay nakokontrol na sila sa paraan ng pakikinig sa radyo o di kaya’t panonood sa kani-kanilang mga telebisyon. Kung noon ay pagod na pagod ang mga tao mula sa kanilang mga trabaho at naiisipang magalsa laban sa mga kapitalista, ngayon na nauso na ang mga radyo at telebisyon, ang gusto na ng mga tao pagkatapos ng kani-kanilang mga trabaho ay sila ay uuwi at manonood ng kanilang telebisyon upang panoorin ang kanilang mga paboritong palabas tuwing gabi. Ito ay napaka talinong paraan upang mapatahimik ang mga tao, dahil imbis na sila ay matakot at magalit at lalong magalsa, ang ginawa ng mga kapitalista ay bumuo sila ng panibagong mekanismo upang ang mga manggagawang ito ay maaliw sa mga palabas at iba pang mga bagay at mawalan na ng oras at lakas upang magalsa laban sa mga ito.
Ang ganitong klaseng mekanismo ang nagkaroon ng mahalagang papel sa pagpapanatili ng kapatalismo dahil pinaparami lang nito lalo ang mga tao kumukunsumo sa kanilang mga binubuong mga produkto upang “maaliw” ang mga tao. Dahil sa pagdami ng mga konsumer, nagkaroon ng isa pang sentral na papel ang mga tao, at ito ang pagiging isang manggagawa sa kapitalistang sistema. Dahil sa mga pag konsumo ng mga tao, ito ang nagpatakbo at nagpatagal sa sistema ng kapitalismong produksyon. Nagkaroon rin ng mahalagang papel ang pageendorse ng mga taong ginagamit ng mga kapitalista upang mapaniwala lalo ang mga konsumer sa pagbili ng pagbili ng mga ginagawa nilang mga produkto. Dahil rito ay lalong gustong bumili ng mga tao, dahil dito lumalaki ang pangangailangan nila para sa pera at dahil dito, mas lalong kailangan ng mga tao ang magtrabaho, na magtutungo sa lalong pananamantala ng mga kapitalista sa kahit sinong tao sa lipunan, kahit manggagawa man o konsumer. At sa dulo ng araw, dahil pagod na pagod na ang manggagawa, ang gugustuhin na lamang nitong gawin ay ang magpahinga at manood ng tv, pagkagising nito sa umaga ay ganoon na naman ang sistemang gagawin nito, papasok at magtatrabaho, paguwi ay ganoon na naman. Nawawala na ng oras ang tao upang makapag isip ng mga makabuluhan bagay na makatutulong sa ekonomiya upang ito ay umulad dahil lamang sa mga teknolohiyang ito na kumukulong sa ating mga isipan upang maging produktibo na parang ang Iron Cage ni Weber.
Sa tuloy tuloy na pagtindi at galing ng mga pagunlad ng iba’t ibang mga teknolohiya sa ating mundo, mas lalong naaapektuhan at naiimpluwensyuhan nito ang kultura natin tulad na lamang ng mga telebisyon, radyo at internet. Ngunit nakita ng mga kritiko ang mga maaaring umusbong na mga problema dahil sa mga teknolohiyang ito. Nakita nito na imbis na ang teknolohiya ang kinokontrol ng tao, ang tao ang kinokontrol ng mga ito. Ang mga mekanismo ng mga makabagong teknolohiya o kaya ang mga mekanismong ginagawa ng mga kapitalismo tulad na lamang ng mga cellphone, mga linya sa mga pila, mga pagpipilian sa kung ano ang mga bibilhin, kinokontrol na nito ang mga tao at hindi sa natural na paraan na kung sino ang dapat magkontrol sa alin. Ngunit ang sinasabi ng kritikal na teorya ay hindi naman talaga teknolohiya ang problema kung hindi ang pagpapatakbo rito ng mga kapitalista. Ginamit ng mga kapitalista ang teknolohiya upang mangingibabaw sila sa kapangyarihan laban sa mga ordinaryong mga tao lamang , upang matahimik ang mga tao, pati na rin ang mga isip nito sa pagiisip sa kritikal na paraan upang makalaban sa mapang abusong sistemang ito. Sa isipan ng mga kritikal theorists ay kung sigurong may sistemang sosyalismo ay maaaring magamit ang teknolohiya upang magkaroon ng malaking pagusbong at pagunlad ng parehas na teknolohiya at mga tao, damay na rin dito ang ekonomiya.
Mayroong isang critical theorist na nagpokus sa papel ng teknolohiya sa ating lipunan, ito ay si Herbert Marcuse, mayroon siyang nabuong termino na tinatawag na one-dimensional society. Ayon kay Marcuse, katulad nila Marx at iba pang mga tagasunod ni Marx, ay naniniwala siyang mayroong isang ekonomiya na makakapag pausbong at paunlad ng parehas na teknolohiya at ang mga tao. Kung saan ang mga tao ay makukuha ang kanilang mga pangangailangan, kagustuhan, mayroong kalayaan sa kung paano sila gagawa, para kanino sila gagawa at ano ang gagamitin upang magawa ang mga bagay na ito. Ngunit sa kapitalismo, ang nakakalasong sistema, ay nagiging one-sided na ang relasyon ng pagunlad. Ang mga tao ang bumuo at nagpausbong sa teknolohiya ngunit ito ay hawak at kinokontrol ng mga kapitalista para sa kanilang sariling pangangailangan upang makakontrol sa mga manggagawa. Dahil rito, imbis na maipahayag ng mga tao ang kanilang mga damdamin sa daan ng teknolohiya, mas lalong natatahimik at nabobobo ang mga tao ng dahil rito. Nababawasan ang Individuality ng bawat isa dahil gusto nitong mapabilang sa istandard ng teknolohiya. Dahil rito, unti unti nang nawawala ang pagkakakilanlan ng bawat isang tao pati na rin ang kanilang pagkamalikhain ay napupunta sa wala. Alam mo iyong pakiramdam na pagkatapos ng nakakapagod na araw ay gusto mo na lamang manood ng Ang Probinsyano dahil pinapanood ito ng lahat ngunit pagkatapos mo itong mapanood, wala naman talagang laman ang utak mo? Siguro ganoon ang sinasabi ng mga kritikal theorists na paraan ng pananamantala sa kapangyarihan ng mga kapitalista. Ang naisip ni Marcuse na paraan ay ang pagkakaroon ng isang sistemang panlipunan na ang tao na ang nagkokontrol sa teknolohiya at hindi ang baliktad.
Ang mga mekanismong nabubuo at ginagawang popular ng mga kapitalista ay mataas ang rasyonalisasyon nito; ang sitwasyong ito ay isa pang problema ng mga critical theorists tulad na lamang nila Marx at Weber. Ang mga mekanismong ito na mayroong mataas na rasyonalisasyon ay ang namumuno sa teknolohiya pati na rin sa industriyang kultural.
Sa pananaw ng mga critical theorists, ang pagtaas ng rasyonalidad ay tutungo sa technocratic thinking. Kung saan ang tao ay mas gusto na ng mas mabilis na paraan upang matapos ang isang bagay na wala na siyang pakielam kung paano at ano ang mga dapat gawin upang magawa ang bagay na ito. Nawawala na ang reason o ang mga pagapapahalaga ng mga tao at ang pagiisip nito ng mga tama o mali sa mga ginagawa nito.
Dito na pumapasok ang salitang irrationality of rationality kung saan ang mga bagay na dapat ay rasyonal ay mayroon na ring mga irasyonalidad dahil sa pagsira nito sa mga indibidwal at sa kanilang mga pangangailangan at mga abilidad. Dahil ditto ay nagiging one-dimensional na ang teknolohiya na kinokontrol ng kulturang industriya  imbis na ginagawa itong tagatulong sa mga tao upang umusbong at umunlad ang isang lipunan.
Dahil sa mga pagsipat ng mga critical theorists sa mga ganitong mga bagay, nakita nila na ang maaaring maging kinabukasan natin ay ang pagiging kulong sa mga bagay at mekanismo na ginawa ng mga kapitalista upang makontrol ang ating mga ginagawa at iniisip. Dahil sa paglaki at pagdami ng mga rasyonalisasyon ng mga bagay bagay ay lalo tayong makokontrol ng kultura, teknolohiya at industriya ng kaalaman. Makukulong tayo sa sinasabi ni Weber na Iron Cage of Rationality kung saan makukulong tayo sa mga rasyonal na kultura, teknolohiya at sistemang pang edukasyon na malakas na makakapag control sa mga tao at mas lalong ginagawang one-dimensional ang lipunan natin. Ang mas malaking problema pa ay ang pagkakulong ng mga tao sa Iron Cage na ito, imbis na sila ay umalma at lumaban sa pagkakulong, gustong gusto naman ito ng mga tao dahil ang nakapaloob rito ay ang mga teknokratikong pagiisip at mga bagay bagay na makakapagpadali sa mga buhay ng mga tao, mayroong mga teknolohiya roon sa kulungan na iyon, telebisyon, radyo, mga magasin na siyang nagaaliw sa mga tao. Dahil dito ay paulit ulit lamang ang pageexploit ng mga kapitalista sa mga tao.




Comments

Popular posts from this blog

Ang mga pananaw ni Jean Baudrillard: Mula sa Tagagawa patungo sa Mamimiling Lipunan ; Pagkawala ng Symbolic Exhanges at Pagkadami ng Simulations

Teorya ng Produksyon at ang Teorya ng Pagkonsumo ayon kay Thorstein Veblen

Michel Foucault: Increasing Governmentality